Slaughter nahirang na UAAP PoW
MANILA, Philippines - Iba na ang matangkad.
Ito ang ipinakikita ni Greg Slaughter ng Ateneo nang kanyang pangunahan ang Ateneo Eagles nang kunin ang dalawang panalo sa nagdaang linggo ng UAAP men’s basketball.
Si Slaughter ay naghatid ng 16 puntos at 8.5 rebounds nang kumolekta ang Eagles ng 86-62 panalo sa National University nitong Huwebes at 73-61 panalo sa UE nitong Sabado upang mapalawig ang pagpapanalo sa 4-0 karta.
Dahil sa ipinakita, si Slaughter ang pinarangalan bilang ikalawang manlalaro na tumanggap ng ACCEL-316 UAAP Press Corps Player of the Week na handog din ng Gatorade.
Kumana nga ng 15 puntos at 7 rebounds si Slaughter nang durugin ng three-peat champion Eagles ang National University na pinamumunuan nina 6’7” Emmanuel Mbe at 6’4” Bobby Ray Parks Jr.
Pero nakita ang kahalagahan ng dating Smart Gilas player sa laro laban sa UE na kahit wala pang panalo sa liga ay pinahirapan ang mas paboritong Eagles.
Minalas ang outside shooting ng koponan kaya’t ibinigay na lamang kay Slaughter ang bola sa ilalim at tumugon ang higante sa pamamagitan ng 18 puntos at career high 10 rebounds.
Sa kabuuang, si Slaughter ang lider ng koponan sa kanyang 15.5 puntos at 7.8 rebounds bukod sa 2 blocks kada laro.
Tinalo ni Slaughter sa lingguhang parangal sina Janus Lozada at Alex Nuyles ng Adamson, Chris Exciminiano ng FEU at Luigi Dela Paz ng La Salle.
- Latest
- Trending