Joseph inihabla ng child abuse
MANILA, Philippines - Matapos ang mahabang pananahimik, nagsampa na ng kasong child abuse ang swimmer na napahiya nang lumahok sa 43rd Sabah Age Group Swimming Championships sa Kota, Kinabalu Sports Complex, Malaysia noong nakaraang taon.
Si Paul Jerome Carpio ay dumulog kahapon sa Quezon City Prosecutor’s Office para sampahan ng kaso si Mark Joseph na pangulo ng Philippine Aquatics Sports Association (PASA).
Nagdesisyon si Carpio na anak ng assistant sports editor ng Phlippine Star, na dumulog na sa korte dahil sa masamang epekto dulot ng pangyayari nang sumailalim siya sa masusing imbestigasyon mula sa nagpalaro dala sa akusasyon ni Joseph na hindi sila karapat-dapat na kumatawan sa Pilipinas at ang kanilang mga pasaporte ay maaaring peke.
“I was deeply depressed that I cannot fully focus and concentrate on my studies to the extent of quitting in my schooling. I withdrew my circulation/communication with my friends and confined myself in my room crying and thinking all my frustrations and disappointments in the field of swimming my ultimate dream which was shattered into pieces because of the false and baseless allegations of Mark Joseph,” wika ni Carpio sa kanyang affidavit.
Base sa Article I Section 3(b) ng Republic Act 7610 ang Child Abuse ay maaaring ipataw sa mga taong nagdulot ng psychological at physical abuse, cruelty, sexual abuse at emotional maltreatment sa isang menor de edad. Puwede ring kasuhan ng ganito ang mga taong na naghayag ng mga salitang nakakasakit at nagpapababa sa dignidad ng isang bata.
Si Carpio ay nakasama sa grupo ng ASAP na pinamumunuan ni Susan Papa na kumukuwestiyon sa liderato ni Joseph sa PASA.
Nakarating ang delegasyon sa Kota, Kinabalu pero hindi nakalangoy nang magpadala ng electronic mail ang PASA chief at binanggit ang kawalan ng karapatan ng mga ito na katawanin ang Pilipinas.
Sakaling mapatunayan na nilabag ang child abuse, si Joseph ay mapaparusahan ng pagkakulong ng ilang taon.
- Latest
- Trending