MANILA, Philippines - Isang Mexican ang gusto ring makasabayan ang bagong World Boxing Organization (WBO) flyweight champion na si Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Hinamon kahapon ni Mexican Giovanni Segura, ang WBO ‘Super Champion’, si Viloria para sa unang title defense ng Fil-American fighter.
Kumpiyansa si Segura na mapapabagsak niya si Viloria, tinalo si Mexican Jose Carlos Miranda via unanimous decision upang agawin ang hawak nitong WBO flyweight title noong Linggo sa Hawaii.
“We know each other well and he knows how strong I am,” wika ni Segura kay Viloria na nakasabayan na niyang magsanay sa Aztec Boxing Club sa Bell, California, USA. “If I fight with Viloria, I will knock him out, no doubt.”
Hawak ng 30-anyos na si Viloria ang 29-3-0 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 16 KOs matapos talunin ang 31-anyos na si Miranda, may 35-6-1 (28 KOs) ngayon, habang taglay ng 29-anyos na si Segura ang 28-1-1 (24 KOs) slate.
Hindi rin mamimili si Segura ng lugar na kanilang paglalabanan ni Viloria. Ito ay maski na sa Hawaii kung saan lumaki si Viloria, nauna nang nagkampeon sa light flyweight division ng World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF).
“With pleasure. It is good for me. I’ll stay for a vacation,” sambit ni Segura.