MANILA, Philippines - Makailang ulit mang nakapagbigay ng karangalan sa bansa ay patuloy pa rin ang kawalan ng mahalagang suporta na nakukuha ng Team Manila na lalaro uli sa Big League World Series.
Aalis ang koponan sa katapusan ng buwan para lumahok sa World Series mula Agosto 2 hanggang 10 sa Kalamazoo, Michigan at pakay ng koponang hahawakan ni coach Ana Santiago na mahigitan ang second place na pagtatapos sa huling edisyon.
Natalo ang koponan sa Grand Rapids, Michigan sa finals pero matibay ang laban ngayon dahil karamihan sa manlalaro na kabilang sa 2010 ay babalik para pangunahan ang laban ngayon.
Pero ang pangangailangan ng koponan na nanalo sa Guam, 3-0, sa Asia Pacific championship na ginawa sa Bacolod, ay tinutugunan sa pamamagitan ng ambagan ng mga magulang ng kasamang players at ng Manila Little League Chapter na pinangungunahan ni Rafael Borromeo.
Kulang man ang suporta ay tiyak na bibigyan ng magandang laban ng Team Manila ang siyam na makakatunggali.
Bukod kay Ma. Isabel na nasa ikalawang World Series at ang una ay nangyari noon pang 2006 sa Little League division, ang iba pang kasapi ay sina Veronica Belloza, Annalie Benjamen, Michelle Lentija, Glesyl Opjer, Chariz Palma, Carol Banay, Gene Joy Parilla, Rizza Bernardino, Franchescda Altomante, Chichiro Bamba at Laura Victoria Lehmann.