MANILA, Philippines - Bubuuin ng mga beterano at bagitong boksingero ang ilalabang koponan ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) sa 21st President’s Cup sa Gelora Bung Karno Stadium sa Istor Senayan.
Aalis ang siyam na lahok ng ABAP ngayon at ang kompetisyon ay tatakbo mula Hulyo 1 hanggang 3 na kung saan inaasahang nasa 200 boksingero mula sa 30 bansa ang kasali.
Sa kalalakihan makikita ang mga baguhan sa koponan dahil tanging si lightweight Charly Suarez lamang ang beterano.
Makakasama niya na maghahangad ng medalya sa men’s division sina light flyweight Clark Bautista, flyweight Edillo Abrea Jr., bantamweight Nilo Magliquian, light welterweight Nathaniel Montealto at welterweight Rheinald Michael Brina.
Ang kukumpleto sa delegasyon ay light flyweight Josie Gabuco, flyweight Analisa Cruz at bantamweight Nesthy Petecio.
Gagamitin ng ABAP ang kompetisyon bilang bahagi ng kanilang tryouts upang madetermina ang ipadadalang boxers sa 2011 World Championships sa Baku, Ajerbaijan mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 8.
Mahalaga ang World Championships dahil isa ito sa dalawang London Olympics qualifying tournament.
Ang mga bigating bansa na China, Thailand, Kazakhstan, Russia at host Indonesia ang mga mangunguna bukod pa ang India, Afghanistan, Australia, Bhutan, Botswana, Hong Kong, Iran, Japan, Kyrgyztan, Malaysia, Mongolia, Myanmar, Nepal at Vietnam.
Si ABAP executive director Ed Picson ang tatayong team manager habang ang asawang si Maria Karina Picson at mga coaches Ronald Chavez, Sonny Dollente at Mitchel Martinez ang kukumpleto sa Pambansang delegasyon.