WIMBLEDON, England - Kahit na may right leg injury ay hindi pa rin napigilan si Rafael Nadal sa pagtatala ng panalo.
Nalagpasan ng defending champion ang hamon ni Gilles Muller, 7-6 (6), 7-6 (5), 6-0, sa third round.
Kinansela ang naturang laro sa first set noong Biyernes dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Bago pa ang interruption, tinawag na ni Nadal ang kanyang trainer matapos matumba sa kanyang panalo sa tiebreaker.
Sinabi niyang ito ay isa lamang muscle problem.
Hindi pa natatalo si Nadal sa All England Club matapos mabigo kay Roger Federer sa 2007 final.
“But this is not limiting my game,” sabi ni Nadal sa kanyang injury. “I can play with that without problems.”
Mula sa 5-5 pagkakatabla sa second set, kinuha ni Nadal ang dalawang sumunod na puntos laban kay Muller.
“The third set, two sets to love, I am able to play with less pressure,” ani Nadal, natalo kay Muller sa second round noong 2005. “I started to return unbelievable and to play at very high level, I think.”
Matapos mabigo kay Federer sa 2006 at 2007 finals, giniba ni Nadal ang Swiss great sa 2008 championship match. Hindi siya nakalaro sa 2009 tournament bunga ng injury bago muling nagkampeon sa sumunod na taon.
Sa fourth round, makakatapat ni Nadal si 2009 U.S. Open champion Juan Martin del Potro.