Azkals natuto ng leksyon sa FC Ingolstadt 04 ng Germany
MANILA, Philippines - Dahil na rin sa kabiguang mapalaro sina Stephan Schrock, Ray Johnsson at Jerry Lucena, isang 0-4 kabiguan ang nalasap ng Philippine Azkals kontra Division 2 team na Bundesliga FC Ingolstadt 04 sa kanilang friendly match sa Duren, Germany.
Sa kabila ng kanilang pagkatalo, sinabi naman ni team captain Aly Borromeo na isa itong magandang leksyon para sa kanilang paghahanda laban sa Sri Lanka Red Braves sa Hunyo 29 at Hulyo 3.
“We can only gain from the loss and look to get better! The loss was good for us I say...They were a decent side with a ton of experience,” sabi ni Borromeo sa kanyang Twitter account.
Sina Schrock, Johnsson at Lucena ay may kanya-kanyang European club commitments kaya hindi nakalaro para sa Azkals, ayon kay German coach Michael Weiss.
Ang mga ginamit ni Weiss ay sina Neil Etheridge, Aly Borromeo, Chieffy Caligdong, Anton Del Rosario, Paul Mulders, Manny Ott, Angel Guirado, Rob Gier, Nate Burkey, Roel Gener, Misagh Bahadoran, James Younghusband at Phil Younghusband.
Sa Ingolstadt website, sinabi ni coach Benno Mohlmann na ginamit niya ang “first team” ng FC 04.
Ang Ingolstadt, nagtapos bilang 14th-places sa 2nd division football tournament ng Germany at kilala rin bilang Schanzer squad, ay nagtala ng 3-0 halftime lead at hindi na pinaporma pa ang Azkals patungo sa kanilang 4-0 tagumpay.
Nakipagtulungan si midfielder Andreas Buchner kay striker Moritz Hartmann para sa unang goal ng Ingolstadt sa 15th minute kasunod ang isang header ni midfielder Fabian Gerber sa 20th minute para sa kanilang 2-0 bentahe sa Azkals.
Haharapin ng Azkals ang 3rd Division squad na Darmstadt 98 ngayon bago bumiyahe patungong Colombo, Sri Lanka sa Linggo para sa first leg ng kanilang 2014 FIFA World Cup group qualifier.
Nakatakda sa Hulyo 3 ang second leg sa Rizal Memorial Stadium sa Vito Cruz, Manila.
- Latest
- Trending