Rizal Memorial Football Field handa na sa laban ng Azkals at Sri Lanka
MANILA, Philippines - Handa na ang Rizal Memorial Football Field sa gaganaping home game ng Philippine Azkals sa ta-gisan nila ng Sri Lanka sa Hulyo 3.
Mismong si PSC chairman Ricardo Garcia ang nagsabi nito matapos saksihan ang ginagawang pagkumpuni sa palaruan na handang tumanggap ng 15,000 hanggang 16,000 panatiko sa football.
“Everything is on schedule. May mga inilagay na kaming plastic seats sa covered area habang napinturahan na ang mga bleachers. Ang kailangan na lamang ay magkaroon ng magandang panahon dahil hindi naman lahat ng area sa venue ay covered,” wika ni Garcia.
Maging ang mga locker rooms at comfort rooms ay naisaayos na habang plano pang maglagay ng mga karagdagang portalets upang maserbisyuhan ang inaasahang libu-libong manonood na nais saksihan na maglaro ang Azkals.
Ang Philippines-Sri Lanka match ay ikalawa at huli sa FIFA World Cup qualifying match. Ang una ay sa Hunyo 29 na lalaruin sa Sri Lanka.
Plano ngayon ng PSC na isara sa publiko ang pasilidad upang mapalago ang mga damo sa pitch.
May mga nakahanda na ring security measures tulad ng pagsasara sa mga kalye sa Vito Cruz at Adriatico para madaling makontrol ang dami ng tao.
Ito ang unang malaking football event sa Rizal Memorial matapos ang 1991 nang sa bansa isinagawa ang Philippine SEA Games at ang football ay ginawa sa nasabing palaruan.
- Latest
- Trending