Belga dinala ang RoS sa liderato

MANILA, Philippines -  Simple lang ang utos ni coach Yeng Guiao sa kanyang mga Elasto Painters: Kapag libre ka, itira mo.

Sinunod si Guiao, tumipa si 6-foot-6 center Beau Belga ng 13 sa kanyang 18 points sa third period upang tulungan ang Rain or Shine sa 116-94 paggupo sa Air21 at angkinin ang liderato sa 2011 PBA Governors Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Sa naturang yugto, nagtumpok ang produkto ng Philippine Christian University ng perpektong 3-of-3 sa three-point line para sa 2-0 baraha ng Asian Coatings franchise.

“Basta ang sabi lang sa amin ni coach (Guiao) kapag libre, tumira kami,” wika ni Belga, ibinigay sa Rain or Shine ang 80-72 abante kontra Air21 sa huling 1:27 ng third quarter mula sa kanyang ikatlo at huling tres.

Matapos ilista ng Elasto Painters ang isang 14-point lead, 34-20, sa pagbubukas ng second period, isang 21-0 atake naman ang ginawa nina Josh Urbizton­do, Leo Avenido, Nino Canaleta at balik-import Alpha Bangura upang iangat ang Express sa 41-34 sa 6:07 nito.

Huling natikman ng Air21 ang lamang sa 66-65 buhat sa dalawang freethrows ni Bangura sa huling limang minuto ng third quarter bago ang ratsada nina Belga, Larry Rodriguez at import Arizona Reid para sa kanilang 87-74 abante sa 10:49 ng final canto.

Nakadikit pa ang Express sa 83-89 sa huling pitong minuto ng laro kasunod ang 14-4 arangkada ng Elasto Painters na nagpadyak sa kanilang bentahe sa 103-86 sa huling 3:16 nito.

Ang tres ni Jeff Chan at freethrows ni Reid ang tuluyan nang sumelyo sa naturang ikalawang sunod na panalo ng Rain or Shine mula sa kanilang 110-89 lamang sa huling 1:59.

(Russell Cadayona)

 Rain or Shine 116 - Reid 24, Belga 18, Chan 15, Buenafe 13, Norwood 12, Arana 11, Kramer 6, Ibanes 5, Cruz 4, Rodriguez 4, Vanlandingham 3, Jazul 1.

Air 21 94 - Bangura 20, Seigle 19, Hontiveros 12, Sharma 10, Canaleta 9, Urbiztondo 8, Avenido 8, Salvador 2, Artadi 2, Arboleda 2, Pena 2, Espiritu 0, Najorda 0.

Quarterscores: 30-20, 46-49, 82-74, 116-94.

Show comments