2nd Coca-Cola Hoopla crown inangkin na ng Quezon City
MANILA, Philippines - Winakasan ng Quezon City ang matikas na paglalaro sa 2nd Coca Cola Hoopla nang kunin ang 104-72 panalo sa Taguig nitong Sabado sa Brgy. Libis covered court sa Quezon City.
Anim na manlalaro ng QC na suportado ni Vice Mayor Joy Belmonte ang umiskor ng double-digits para makumpleto ang 2-0 sweep sa best-of-three finals series nila ng Taguig.
Dala ng pangyayari, ang koponang hawak ni coach Rene Baena ay hindi natalo sa 13 laro sa ligang handog ng Coca-Cola para makatuklas ng mga bago at batang basketbolista na edad 18 anyos pababa.
“Hindi ako nawalan ng tiwala sa kakayahan ng team na manalo sa taong ito dahil maliban sa maganda ang line-up ko ay mahaba rin ang preparasyon namin,” wika ni Baena na naunang iginiya ang QC sa 91-84 tagumpay sa Taguig na nilaro sa Hagonoy Gym sa Taguig noong Biyernes..
Si Leon Lazaro ay mayroong 18 puntos habang 17 naman ang ibinigay ni Christopher Villarosa para ibandera ang QC na tumanggap din ng gantimpalang P250,000.
Ang solidong paglalaro ni Villarosa ang nagresulta upang hirangin siya bilang Most Valuable Player ng liga habang nakasama rin siya sa Mythical Five kasama sina Joshua Morris Mayor ng Taguig, Arjay Napenas ng Caloocan at Bernard Repato ng Mandaluyong.
Si Mayor ay mayroong 31 puntos pero wala ng ibang kakampi ang nakaiskor ng mahigit na sampung puntos para makontento na lamang ang Taguig sa ikalawang puwesto at P125,000 premyo.
Matapos gumawa ng 13 tres sa Game One na kanilang naisuko, bumagsak naman ang shooting ng Taguig sa Game Two nang magkaroon lamang ng 5- of-14 sa 3-point line bukod pa sa pagkakasablay ng 20 free throws.
Tumanggap ng P125,000 ang Taguig para sa runner-up finish habang ang Caloocan at Antipolo na pumangatlo at pumang-apat ay nag-uwi ng P75,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod.
Si JB Baylon, ang Coca Cola vice president for communication and public affairs ang nanguna sa awarding ceremony kasama si tournament commissioner at dating national at PBA coach Joe Lipa, Jojo Villa, Eric Castro, Ramil Cruz at Duane Salvatera.
Plano ng nagpaliga na palakihin pa ang kompetisyon sa susunod na edisyon at balak nilang dalhin din ito sa Visayas at kung kakayanin sa Mindanao para mas lumawig ang hangad na pagtuklas ng mga bagong manlalaro.
QUEZON CITY 104--Lazaro 18, Villarosa 17, Porciuncula 16, Estrella 16, de Leon 15, Boquiren 11, Pangan 5, Villar 3, Auayang 2, Abragan 1, Diaz 0.
TAGUIG 72 – Mayor 31, Loresca 9, Cancillar 8, Barro 8, Pumaris 6, Portuguez 5, Parado 4, Santos 4, Baclas 2, Gilbero 0, Lahora 0.
Quarterscores: 29-21, 50-35, 70-52, 104-72.
- Latest
- Trending