Araneta minalas, pitaka nadukot pag-alis ng Azkals sa Pinas
MANILA, Philippines - Daig pa ang sinusuwerte kapag minamalas ka.
Ito ang naramdaman ni Philippine Azkals member Ian Araneta matapos mawala ang kanyang wallet sa kanilang pag-alis patungong Duren, Germany para sa kanilang training camp bilang paghahanda sa Sri Lanka Red Braves.
Iniulat ni Araneta sa kanyang Twitter account ang pagkawala ng kanyang wallet na naglalaman ng kanyang pera, Identification Cards at tiket para sa home game ng Azkals kontra Red Braves sa Hulyo 3 sa Rizal Memorial Stadium sa Malate, Manila.
“Nawala ko wallet ko jan kahapon sa pinas pati yung ticket sa july 3 game...kapag minamalas ka nga nman,” wika ni Araneta sa kanyang Twitter. “Jan sa pinas baka nahulog ko or nadukot bka na misplace din dko talaga alam ehhh....all my ids dun...hhhaaayyyy.”
Bumiyahe ang Azkals kahapon ng alas-12:20 ng tanghali patungong Dubai para sa kanilang connecting flight papuntang Frankfurt bago tumulak sa Duren sa Germany.
Sa kanilang training camp sa Duren, Germany, lalabanan ng Azkals ang Duren team na kinabibilangan ng mga fourth at fifth division players bukod pa ang Under-19 squad ng Bern, ang Bundesliga team na FC Ingolstadt at ang German third division club na Darmstadt Achtung 98.
Nakatakda ang first leg ng Azkals at Red Braves ng Sri Lanka para sa 2014 FIFA World Cup Asian Qualifiers sa Hunyo 29 sa Colombo, Sri Lanka, habang ang second leg ay gagawin sa Hulyo 3 sa Rizal Memorial Stadium.
- Latest
- Trending