Azkals pa-Germany ngayon para sa mabigat na training vs Sri Lanka
Manila, Philippines - Aalis ngayon ang Philippine Azkals patungong Germany at sinisipat ang mahirap na pagsasanay upang matiyak na mailalagay ang mga sarili sa magandang kondisyon bilang paghahanda sa pakikipagtuos sa Sri Lanka sa pagbubukas ng Fifa World Cup Asian Qualifier sa Hulyo 29.
Ganap na alas-12:20 ng madaling-araw ang alis ng koponan patungong Dubai bago sasakay ng connecting flight patungong Frankfurt. Mula rito ay tutulak ang koponan sa Duren, Germany na kung saan dito sila magsasagawa ng camp na tatagal hanggang Hunyo 25.
Makikipaglaro ang Azkals sa Duren team na kinabibilanganan ng mga fourth at fifth division players, ang U-19 ng Bern, ang koponan ng FC Ingolstadt at ang Damstadt Achtung 98.
Ang mga tune-up duel na ito ay kailangan dahil hindi nila puwedeng biruin ang Sri Lanka na siyang host ng una sa dalawa nilang tagisan.
Ang second game ay gagawin sa Hulyo 3 sa Rizal Memorial Football Field.
Kumpleto ang koponan sa kanilang pagsasanay dahil makakasama nila ang mga foreign-based players na sina Stephan Schrock, Manny Ott, Rob Gier, Ray Johnson, Dennis Cagara, Angel Guirado at Jerry Lucena bukod pa sa mga baguhang sina Nate Burkey, Misagh Bahadoran at Paul Mulders.
Nais ni team manager Dan Palami na makitang todo-bigay sa ensayo ang koponan dahil sa kahalagahan ng napipintong laban.
- Latest
- Trending