MANILA, Philippines - Tinapik ng Philippine Olympic Committee (POC) sina Julian Camacho at Romeo Magat upang siyang makatulong ni Chief of Mission Dr. Sim Chi Tat sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Inihayag ito ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. sa isinagawang POC General Assembly kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.
IIniluklok rin ni Cojuangco si POC first vice-president Manny Lopez bilang CDM sa 2012 Olympic Games na gagawin sa London.
Kinailangan ng POC na maghanap ng bagong deputy CDM matapos magbitiw bilang co-CDM si PSC Commissioner Chito Loyzaga dahil sa pagtanggap nito sa puwesto bilang executive director ng komisyon.
Wala pang bilang kung ilan ang atletang masasama sa delegasyon dahil bukas ang POC na tanggapin ang mga manlalarong maipapakita na karapat-dapat silang isama sa Indonesia.
Hiningi na rin ng POC sa mga kasaling NSAs ang kanilang entry by numbers sa Hunyo 15.
Ang pagnombra naman kay Lopez bilang CDM sa London Games ay ginawa na dahil maraming katanungan ang ipinararating ng mga organizers sa mga National Olympic Committees (NOCs). (ATAN)