Manila, Philippines - Binigo ni Antonino Gadi si Peter Magnaye, 21-18, 21-6, para makalapit sa pag-angkin sa Open men’s singles crown sa MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament sa Pohang Badminton Courts sa Bacolod City.
Ito ang ikaapat na sunod na straight set win ni Gadi, tinalo si Golden Shuttle Foundation teammate Patrick Natividad para sa titulo ng premier class noong Marso.
Makakasagupa ng top-seeded bet sa finals si Paul Vivas ng Phl/Victory na tumalo kay Kevin Dalisay, 17-21, 21-14, 21-12, sa kanilang semis duel sa ranking tournament na itinataguyod nina Vice President Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny V. Pangilinan katuwang ang official equipment sponsor na Victor.
Matapos sibakin ang dating reynang si Bianca Carlos sa straight sets sa Last 8 noong Huwebes, umabante sa finals si Malvinne Alcala sa Open ladies singles matapos igupo si Danica Bolos, 21-11, 21-9, sa semis.
Makakaharap ni Alcala si second seed Gelita Castillo na naglista ng 21-5, 21-6 panalo laban kay Pauline Ramos sa event na suportado ng PLDT-Smart Foundation, Gatorade at Powersmash kasama ang The Philippine STAR, TV5, Badminton Extreme Philippines Magazine, Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9, 99.5 RT at 103.5 WOW! bilang mga media partners.
Pinadapa ni Joper Escueta sa Under-19 boys category si JC Clarito, 21-16, 21-13, para makatagpo si Kenneth Monterubio, bumigo kay Wilbert Natividad, 21-13, 21-11, habang giniba ni Carlos sa U-19 girls class si Cassandra Lim, 21-14, 21-10.