Lim, Alcala pasok sa Last 16

MANILA, Philippines - Umiskor ng magkahiwa­lay na panalo sina Cassandra Lim at Markie Alcala pa­ra makapasok sa Last 16 stage ng kani-kanilang mga dibisyon sa MVP Sports Foundation-Bingo Bo­nanza Philippine Badminton Ran­king System (PBaRS) tour­nament kahapon sa Pohang Badminton Courts sa Bacolod City.

Tinalo ni Lim ng Escoses Training Camp si Jade Tan, 21-4, 21-10, upang ma­katapat si Flo Lamigo ng La Salle, ginapi si Michelle Cua, 21-8, 21-11, sa Last 16 ng Under-19 girls singles.

Nagtala naman si Alcala ng isang 21-16, 21-11 tagumpay kontra kay Karl Ganaden ng Zambales War­riors sa Under-15 boys singles na kanyang pi­nag­ha­rian sa PowerSmash noong Marso.

Makakatapat ni Alcala, nabigo sa U-19 class ng pro­yekto nina Vice President Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny Pangilinan, si Vincent Ma­nuel na sumibak kay William Cervante, 21-14, 21-12.

Ang iba pang pumasok sa Last 16 ay sina Patrick Gecosala, bumigo kay Ryan Dizer, 21-12, 24-22; Gabriel Vargas, nagpatalsik kay Fides Bagasbas, 21-15, 21-19; Frell Gabuelo, ginitla si Paolo Gonzales, 21-11, 21-13; at Glenn Lopez, dinomina si Ronald Ongcuanco, 21-6, 21-8.

Makakasama nina Lim at Lamigo sa girls U-19 cast sina Athea Osorio, Mary Chua, Ana Barredo, Elisha Ongcuanco, Desiree Buiza, Danica Pelegrino, Angelica Muyrong, Selina Sandiego at Dia Magno.

Show comments