4 teams mag-aagawan sa huling 2 slot sa quarters sa D-League
MANILA, Philippines - Agawan para sa nalalabing dalawang puwesto sa quarterfinals ng PBA D-League Foundation Cup ang nakataya sa apat na koponang magtatagpo sa pagtatapos ng first round knockout playoff ngayon sa San Juan Arena.
Pinapaboran ang mga koponan ng FCA Cultivators at Cobra Energy Drink laban sa RnW Pacific Pipes at Pharex dahil mas naging maganda ang kanilang ipinakita sa group classification.
Ang Cultivators at Pacific Pipes ang unang magtatagisan ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng Ironmen at Pharex dakong alas-4 at ang mananalo ay sasamahan ang Freego Jeans at Blackwater Elite sa quarterfinals matapos manalo sa Maynilad at Junior Powerade nitong Huwebes.
Ang iba pang nasa last eight ng liga ay ang NLEX, PC Gilmore, Cebuana Lhuillier at Max Bond Super Glue na diretsong nakaabante nang malagay sa unang dalawang puwesto sa Group A at B.
Lumaban ang Ironmen at Cultivators sa insentibo sa Group B pero minalas silang matalo sa larong tutukoy sa top two ng grupo.
Ang tropa ni coach Lawrence Chongson nga ay yumukod sa Gems sa huling asignatura para makatabla sa ikalawang puwesto ang Sumos, 4-2. Pero ang huli ang umabante dahil nanalo sila sa Ironmen.
Pihadong lalabas ang husay uli ni Paul Lee bukod pa sa suportang gagawin nina Paul Sanga at Ken Acibar para makaiwas sa posibleng upset na dala ng Pharex.
Sina Sean Co, Alfred Gerilla at Raffy Reyes naman ang kakamada sa Cultivators laban sa Pacific Pipes na matapos manalo sa unang laro ay isang panalo lamang ang nahagip sa huling limang laro para malagay sa di magandang puwesto sa pagtatapos ng group classification.
- Latest
- Trending