Pasay humirit pa sa Taguig
Manila, Philippines - Nananatiling buhay ang hangarin ng Pasay na katawanin ang South Zone sa Inter-Zonal nang malusutan ang Taguig, 98-94, sa 2nd Coca-Cola Hoopla NCR Championship Inter-Cities sa Duenas Gym.
Anim sa huling 11 puntos ng Pasay ang inako ni Gio Ramos upang makumpleto ang pagbangon ng koponan mula sa 16-puntos na dalawang beses na nangyari sa unang yugto ng labanan.
“Hindi bumitaw hanggang sa huli. They were really determined to win and I’m happy for them,” wika ni Pasay coach Cholo Martin na tinulungan sa pagdiskarte ng assistant na ex-PBA player Elmer Reyes.
Ang tagumpay ay nagresulta upang magkaroon pa ng sudden-death ang dalawang koponan para malaman kung sino ang kakatawan sa nasabing zone at kukumpleto sa limang koponan na binubuo na ng Quezon City (East), Caloocan (North), Antipolo (West), at Mandaluyong (Central).
Nagbaga ang mga kamay ni Joshua Mayor nang magpasabog ito ng 43 puntos pero nawalang-saysay ito dahil kumulapso ang laro ng Taguig nang makabangon ang kalaban.
Kasama sa sumaksi sa laban ay si Coca Cola Export vice president for communication and public affairs JB Baylon at sinamahan nina Taguig Rep. Jun Duenas, tournament organizer Joe Lipa at dating PBA cager Gerald Francisco.
- Latest
- Trending