BORACAY, Aklan, Philippines - Sa pang-apat na sunod na pagtatanghal ng PBA Three-Point Legends Shootout ay tinalo ng kasalukuyang PBA players ang PBA legends, 43-31, sa second to the last event ng Hala Bola PBA All-Star Week na ginanap Linggo ng hapon sa Boracay Eco-Village Resort at Convention Center dito.
Nagtala ng 18 puntos si Ronald Tubid para pangunahan ang active players at nakakuha din ng 12 mula kay Jimmy Alapag at 13 mula sa back-to-back Three-Point Shootout champion na si Mark Macapagal.
Ang nag-Top 3 sa Three-Point Shootout contest na ginanap noong Biyernes ang siyang humarap sa PBA Legends na hindi pa nananalo sa active players mula noong unang tatlong stagings ng event simula 2004 sa Cebu City.
Nakakuha lamang ang koponan ng PBA Legends ng 10 points mula kay four-time MVP Alvin Patrimonio, nine mula kay 1992 MVP at Petron Blaze at North All-Stars head coach Ato Agustin at 13 lamang mula kay all-time career 3-point field goals made leader, 1990 MVP at Barangay Ginebra assistant coach Allan Caidic.
“Dapat three-on-three na lang na laro talaga,” pabiro ni Patrimonio sa event na naging preliminary sa 22nd Annual PBA All-Star Game na nilalaro pa habang sinusulat ang balitang ito.
“Naubos yata ako sa ensayo kahapon,” wika naman ni Caidic na nag-average ng 16.3 sa kanyang practice shootout rounds noong Sabado ng hapon kabilang na ang pinakamataas na 22 at pinakamababang 14.
Huling natalo ang active players sa PBA Legends noong 2006 sa Cagayan de Oro City sa isang dikitang laban 42-41. Ang Legends na naglaro noon ay sina Jojo Lastimosa, Boybits Victoria at ang yumao nang si Ricric Marata. Ang active players naman noon ay sina James Yap, Renren Ritualo at Olsen Racela.