Manila, Philippines - Muling masusukatan ang tikas ng mga top players ng bansa sa pangunguna nina GM Wesley So at veteran Eugene Torre laban sa kani-kanilang counterparts mula sa Asian Zone 3.3 chess championship sa Mayo 24-30 sa Tagaytay City.
Inaasahang babanderahan ni So, na nanguna sa Pilipinas sa pagsungkit ng silver medal sa nakaraang Asian Games sa Guangzhou, China, ang kampanya ng bansa sa prestihiyosong nine-round competition na may nakalaang dalawang slot sa 2011 World Cup sa Khanty-Mansiysk, Russia sa kalagitnaan ng taong ito.
Ito ang ikatlong pagkakataon na ang 17-anyos Filipino champion ay lalaro sa major international tournament sa loob lamang ng dalawang buwan matapos ang Asian Individual Championship na idinaos sa Jakarta, Indonesia noong Abril 22-30 at Asian Individual Championship sa Mashhad, Iran nitong Mayo 2-10.
Sa kabilang dako, itinuturing pa ang 59-gulang na si Torre na mapanganib na manlalaro, kung saan kakampanya ito sa unang pagkakataon sa high-level tournament matapos ang Guangzhou Asian Games.
Bukod kina So at Torre, kabilang din sa mga lalaban sina GMs Rogelio Antonio Jr., Mark Paragua, John Paul Gomez at Darwin Laylo at IMs Richard Bitoon, Oliver Barbosa, Ronald Dableo, Chito Garma, Barlo Nadera at Oliver Dimakiling.