BORACAY, Philippines -- Show time na.
Sisimulan ngayon ang mga aksyon sa 2011 Hala Bola! PBA All-Star Week mula sa slamdunk competition, three-point shootout at ang rookies kontra sophomores.
Sina Kelly Williams, Gabe Norwood at Jay Washington ang magtatapat sa slamdunk contest, samantalang idedepensa naman ni Mark Macapagal ang kanyang three-point title.
Magsisimula ang skills events simula alas-5 ng hapon sa Boracay Convention Center kung saan hangad ni Jonas Villanueva ang kanyang back-to-back belt sa Obstacle Course.
Ang skills competitions at ang Rookies-Sophomores Blitz Game ang itatampok naman sa All-Star Friday ng nasabing annual mid-season spectacle na inihahandog ng Smart, Accel, Molten, Islander, Rain or Shine at Powerade at itinataguyod ng Coca-Cola, Meralco, Alta Vista Boracay, Talk n Text, Puma at Maynilad.
Ang Blitz Game ay nakatakda sa alas-7:30 ng gabi.
Ang sophomore team ay binubuo nina Jervy Cruz, Josh Urbiztondo, Chris Ross, Francis Allera, Marcy Arellano, Jerwin Gaco, Emerson Oreta at Larry Rodriguez.
Nasa rookies squad naman sina Nonoy Baclao, Rey Guevarra, Elmer Espiritu, Rob Labagala, Hans Thiele, Josh Vanlandingham, Shawn Weinstein at John Wilson.
Si Rodriguez ang pumalit sa may injury na si Rico Maierhofer.
Sa Puerto Princesa, Palawan noong 2010, tinalo ng Sophomores ang Rookies, 106-86, kung saan tinanghal si Jared Dillinger bilang MVP. Hangad naman nina Norwood at Williams ang kanilang ikalawang slamdunk crown at inaasahang bibigyan ng laban nina Ronald Tubid at mga dating collegiate dunking champions na sina JC Intal, Guevarra at Espiritu.
Si four-time winner KG Canaleta ay hindi na naghangad ng kanyang pang limang titulo.