MANILA, Philippines - Nagkampeon ang Team Siklab ng Mapua Institute of Technology sa karera ng mga unibersidad tampok ang makabagong teknolohiya sa Bosch Asia Cordless Race 2011 sa Boomland Kart Circuit sa Pasay City.
Sa likod ng driver nitong si Ken Erick Noval, inilista ng Team Siklab ang pinakamabilis na oras sa una at ikatlo at huling lap sa tatlong yugto ng karera.
Itinampok ang kanilang dinisenyong go kart na pinapatakbo lamang ng makabagong teknolohiya ng Bosch Cordless Lithium-Ion battery technology, kinuha ng Siklab ang pinakamabilis na 57.437 segundo sa first round bago itinala ang 58.374 sa third at fourth round para masungkit ang titulo.
Ang Mapua Siklab ay binubuo nina adviser Engr. John Judilla at Jaylord Jauod, team leader Matthew Mamangun, chief mechanic Jeremaine Lampitoc at Justin Villegas bilang mechanic, Jerick Apetrior na safety officer at ang driver na si Noval.
Ibinulsa ng Mapua ang cash prize na P100,000 kasama ang certificate, tropeo at ang karapatan na irepresenta ang bansang Pilipinas sa final race sa Beijing, China.
Tinanghal din ito na “Best Go Kart design upang dagdagan ang nakuhang premyo na halagang P5,000.