MANILA, Philippines - Sa pagdaraos ng 2011 Philippine National Games (PNG) maipapakita ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) ang kanilang pagtutulungan kasama ang mga Local Government Units (LGUs).
Ito ang inihayag kahapon ni PSC Commissioner Jolly Gomez kaugnay sa nalalapit na 2011 PNG na nakatakda sa Mayo 23-29 sa Bacolod City.
“It is a kind of partnership na hindi lang ito POC at tsaka PSC, kundi POC, PSC, national government and local government units,” wika ni Gomez sa 2011 PNG na pamamahalaan ng Bacolod City, Bago City, Talisay City at Silay City.
“I’ve been going back and forth to these four cities and they want to make sure na maganda ang magiging hosting nila sa Philippine National Games,” dagdag pa ni Gomez sa nasabing apat na siyudad.
Ang 2011 PNG ay bukas sa lahat ng Filipino athletes at magsisilbing basehan ng pagkuha ng mga bagong miyembro ng national team na maaaring ilahok sa Southeast Asian Games, Asian Games at Olympic Games.
Ang 2011 PNG ay sasalihan ng halos 8,000 atleta mula sa 17 rehiyon ang lalahok, kasama rito ang 800 miyembro ng national team.
Gagawin sa Bacolod City ang 5K at 10K marathon, athletics, badminton, beach volleyball, billiards, equestrian, fencing, gymnastics, judo, karatedo, lawn tennis, motorcycle sports, sailing, soft tennis, swimming, taekwondo, volleyball, wall climbing, weightlifting, wind surfing at wrestling.
Nasa Bago City ang canoe kayak, dragon boat, muay thai at wushu, habang ang baseball, road cycling, futsal, football, penkak silat, softball at table tennis ay gagawin sa Talisay, habang ang Silay City ang mamamahala sa archery, arnis, sepak takraw at triathlon.