3 gold sa Ph soft tennis
VENTIANE, Laos - Tatlong gintong medalya ang inihataw ng Philippine Soft Tennis squad sa katatapos na Southeast Asian Soft Tennis Federation (SEASTF) Open dito sa Vientiane Tennis Center.
Binanderahan ni team captain Samuel Noguit ang ratsada ng Ph men’s soft netters sa paggupo sa Indonesia, 3-0, Thailand, 3-0, at Laos, 3-0, patungo sa pagdedepensa ng kaniang titulo.
Nagreyna naman sina Deena Rose Cruz at Cheryl Macasera sa individual women’s event at ang tambalan nina Noguit at Bien Zoleta sa mixed doubles division.
Ipinanalo ni Noguit ang lahat ng kanyang singles matches sa team event at iginiya sina teammates Joseph Arcilla, Jhomar Arcilla, Mikoff Manduriao at Jopy Mamawal sa champion’s podium sa biyaheng sinuportahan ng POC, PSC, University of Perpetual Help Systems DALTA at ni soft tennis president emeritus Dr./Col Antonio L. Tamayo.
Iginupo nina Noguit at Zoleta sina Edi Kusdaryanto at Wukirasi ng Indonesia, 4-3, 7-5, sa mixed doubles championship contest.
- Latest
- Trending