Isasaayos na ng Ateneo, AdU
MANILA, Philippines - Masikwat ang puwesto sa 8th Shakey’s V-League first conference finals ang sisikaping gawin ngayon ng last conference champion Adamson at Ateneo sa Game Two ng semifinals sa The Arena sa San Juan.
Unang sasalang ang Lady Falcons laban sa University of St. La Salle sa ganap na alas-2 ng hapon bago sumampa ang Lady Eagles kontra sa National University dakong alas-4 at ang Adamson at Ateneo ay mangangailangan na lamang ng isa pang panalo upang makuha ang best-of-three series.
“Kailangang tapusin na namin ito kaya’t talagang gagawin namin ang lahat para manalo pa,” wika ni Adamson coach Dulce Pante na dinurog ang Lady Stingers, 25-19, 25-23, 25-22, sa unang pagkikita noong Huwebes
Hindi nakaganda sa La Salle Bacolod ang pagkakakuha ng mga bagong manlalaro tulad ni dating UST player Aiza Maizo dahil nangapa ang mga manlalaro sa loob ng court na agad na kinapitalisa ng mas beteranong Lady Falcons.
Hanap ng Adamson na madugtungan ang titulong pinanalunan sa nagdaang conference sa ligang inorganisa ng Sports Vision Inc. katuwang ang Shakey’s Pizza.
Ang Lady Eagles din ay napapaboran sa Lady Bulldogs na hindi napangatawanan ang pagkapanalo sa first set nang pahintulutan ang kalaban na manalo sa sumunod na tatlong sets tungo sa 25-27, 25-14, 25-10, 25-19, tagumpay.
“Hindi puwedeng magkumpiyansa dahil kayang bumangon ang NU,” wika naman ni Ateneo rookie coach Charo Soriano na nagbabalak na bigyan ng kauna-unahang titulo ang koponan sa ligang suportado rin ng Accel at Mikasa.
Sina Thai import Kesinee Lithawat, Alyssa Valdez at Fille Cainglet ang mga sasandalan ng Lady Eagles upang dominahin uli ang NU na ibabandera tiyak nina Cherry Vivas at Denise Santiago.
- Latest
- Trending