MANILA, Philippines - Ilang grupo ng mga Fil-Ams mula sa Glendale at Hollywood ang nakatakdang magbigay ng send-off para sa Team Pacquiao na magtutungo ngayon sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay trainer Freddie Roach, handang-handa na si Manny Pacquiao para sa kanyang pagdedepensa ng suot na WBO welterweight crown laban kay Sugar Shane Mosley sa Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas.
“We’re 100 percent ready for the fight,” wika ni Roach. ”If Mosley brings his best we’re ready for his best. I don’t think there is any room for an upset, but in boxing you never know. We’re 100 percent ready on our end. We’ve done everything we can to get ready for the fight.”
Alam ni Roach na ibibigay na ng 39-anyos na si Mosley ang lahat ng magagawa nito upang talunin ang 32-anyos na si Pacquiao.
At aminado rin ang four-time Trainer of the Year awardee na may kakayahan ang world three-division titlist na sorpresahin ang Filipino world eight-division champion sa gabi ng kanilang laban.
Wala pang boksingerong nakakapagpabagsak sa African-American fighter.