Kasado na ang lahat sa Bosch Cordless Race Championship
MANILA, Philippines - Walong colleges at universities ang pupukaw ng atensyon sa Philippine leg ng Bosch Cordless Race Championships na idaraos sa Boomland Kart Track sa loob ng CCP Complex sa Pasay City sa Mayo 15.
Lalahok sa naturang karera ang mga race karts, pinagagana ng Bosch cordless lithium-lon power tools at idinisenyo ng mga engineering student mula sa Colegio de San Juan De Letran-Calamba, Don Bosco Technical College-Mandaluyong, Mapua Institute of Technology, Rizal Technological University, Technological Institute of the Philippines, University of the Philippines-Diliman, University of San Carlos-Cebu at University of Mindanao-Davao sa isang araw na time trial.
Mag-uuwi ang mananalong koponan ng P100,000 at siyang kakatawan sa bansa sa Final Race na nakatakda sa September sa Beijing.
Maliban sa karera ng mga race karts, magtatanghal rin ang Velasco Brothers dance group at basketball player-rapper na si Alex Crisano. Magkakaroon rin ng cheerleading contest kung saan magpapakitang gilas ang pep squads ng walong eskwelahan na lalahok sa karera.
Ang mga magwawagi sa karera ay pararangalan kinagabihan kung saan magtatanghal rin sa isang concert ang Amber, General Luna, Razorback at Parokya ni Edgar.
- Latest
- Trending