MANILA, Philippines - Manalo pa ng grandslam ang nais na gawin ng 15-anyos na si Maria Bianca Ysabel Carlos sa mga susunod pang MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament.
Si Carlos ang kuminang nang husto sa torneong inorganisa ng Philippine Badminton Association (PBA) dahil nagkampeon siya sa Open ladies at U-19 singles at sa U-19 doubles.
“My target is to win a grand slam again in the remaining legs of the PBaRS,” wika nito.
Ang iba pang leg ng kompetisyon ay isusulong sa Bacolod, Davao at Manila.
Aminado ang manlalarong kinakatawan ang Golden Shuttle Foundation na hindi niya inakalang mananalo sa Open dahil ang kalaban niya ay ang mas beteranong si Gelita Castilo.
Si Castilo ay nanalo na ka Carlos nang maglaban sa 2010 Yonex Phl Open Ladies singles finals.
“I just told myself to listen to my coach’s instruction, play my game and do my best,” simpleng paalala niya sa sarili sa ikalawang pagtutuos nila ni Castillo.
Ang second leg ay papalo sa Bacolod mula Mayo 29 hanggang Hunyo 4 at ngayon pa lamang ay panay panay ang ensayo ng second year high school sa St. Paul College sa Pasig.