ZAMBOANGA CITY , Philippines - Napanatili ng Central Visayas swimmer na siLorendale Echavez ang kanyang winning form at record-breaking performance nitong Lunes sa PRISAA Collegiate National Games at palakasin ang kanyang kampanya sa pagkulekta ng limang ginto sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex dito.
Kumampay ang 17-anyos University of San Carlos standout ng record breaking na panalo sa women’s 800 at 100-meter freestyle ng ginto, bago sinundan ito ng isa pang ginto sa 3-for-3 paglahok sa pool upang balikatin ang Central Visayas sa pagdomina sa 200 freestyle relay sa tiyempong 2:34 segundo.
Ang inilistang oras ni Echavez sa 800-m na 10:07:14 at sa 100-m na 1:00:09 ang siyang bumasag sa tatlong taong marka na 10:39.01 at 1:05.02 na naitala rin dito nang maging punong abala naman ang Zamboanga sa naturang Games noong 2008 sa ikatlong pagkakataon.
Isa sa mahigpit na kalaban ni Echavez sa paramihan ng ginto ang pambato ng Region 4-A na si Jaevico Dalay, na pinalakas ang kanyang kampanya sa paghablot ng kanyang ikaapat na ginto sa 1,500 free (19:08.11) at 200 backstroke (2:28.04) para isama sa kanyang naunang kinuha sa 400 individual medley at 4x100 freestyle relay sa opening.