Nietes pinabagsak si Vazquez sa 1st round
MANILA, Philippines - Handa na si Donnie “Ahas” Nietes sa light flyweight division.
Ipinakita ng 28 anyos na WBO minimumweight champion ang kakayahan na makapagdomina sa 108-pound division nang pabagsakin si Armando Vazquez ng Mexico sa first round sa “Pinoy Pride 5” sa La Salle Coliseum, Bacolod City.
Isang malakas na hook ang pinakawalan ni Nietes para tuluyan nang pahalikin sa lona si Vazquez at ihinto ni referee Bruce McTavish ang laban sa 2:26 ng opening round.
Ang panalo ay ika-28 sa 32 laban ni Nietes kasama ang 16th KOs.
Ito rin ang maglilinya sa kanya bilang katunggali ng mananalo sa laban nina Jesus Geles ng Columbia at Ramon Garcia Hirales ng Mexico sa Abril 30 para sa WBO interim title.
“Masarap manalo dahil sa harap ng mga kababayan ko ito ginawa,” ani Nietes, tubong Bacolod City.
Nanalo rin sa kani-kanilang mga laban sina Jason Pagara, Lorenzo Villanueva at Roli Gasca.
Umiskor si Pagara ng isang second-round TKO kay Deo Njiku ng Tanzania para sa bakanteng WBO Asia Pacific Youth light welterweight title.
- Latest
- Trending