MANILA, Philippines - Matapos ang pagkakasibak sa apat na koponan, apat na tropa naman ang magpipilit na makapasok sa semifinal round ng 2011 PBA Commissioner’s Cup.
Magtatapat ang Barangay Ginebra at ang Rain or Shine ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang salpukan ng mainit na Air21 at Alaska sa alas-7:30 ng gabi sa Game One ng kani-kanilang best-of-three quarterfinals series sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang Express ni Bong Ramos ang huling nakakuha ng quarterfinals ticket nang gitlain ang Aces, 92-83, noong Miyerkules kasabay ng pagpapatalsik sa Derby Ace Llamados.
Maliban sa Derby Ace, ang tatlo pang nagbakasyon na ay ang Meralco, Powerade at San Miguel.
Ang Talk ‘N Text, nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup at Smart-Gilas ang umangkin sa No. 1 at No. 2 berth, ayon sa pagkakasunod, sa best-of-five semifinals series.
Alam naman nina Ramos ng Express, Jong Uichico ng Ginebra, Yeng Guiao ng Rain or Shine at Tim Cone ng Alaska ang kahalagahan ng pagbulsa sa Game One sa isang best-of-three wars.
“If you win the first game, it gives you an edge dahil may twice-to-beat advantage ka na agad,” ani Uichico.
Sa huling 31 best-of-3 series sapul noong 2002 All-Filipino Cup, ang 22 koponan na kumuha sa Game One ang tuluyang sumikwat sa serye. Ang 11 naman dito ay mula sa isang ‘sweep’.
Sa kanilang unang pagkikita noong Marso 26, tinalo ng Gin Kings ang Elasto Painters, 95-90, sa Panabo City.
Ang mananaig sa pagitan ng Gin Kings at Elasto Painters ang sasagupa sa Nationals sa best-of-five semis showdown.
Sa ikalawang laro, pipilitin ng Air21 na maduplika ang kanilang 92-83 panalo laban sa Alaska sa kanilang serye.
Kasalukuyang sumasakay ang Air21 sa isang four-game winning streak, kasama na rito ang panalo sa Alaska.
Ang mananalo sa serye ng Aces at Express ang haharap sa Tropang Texters sa semis wars.
Samantala, pinagmulta ng international basketball federation (FIBA) ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ng 6,000 Swiss francs (P280,000) bunga ng paglalaro ni import Alpha Bangura sa Air21 kahit wala pa itong clearance mula sa nilaruan niyang Lebanon team o kahit sa FIBA.
Ang lahat ng imports sa PBA ay dapat magkaroon ng clearance sa kanilang dating pinaglaruang tropa o mula sa FIBA bago ito makalaro sa ibang liga.
Si Bangura ay nagmula sa Anibal team sa Lebanon.
Ang SBP ay nasa ilalim ni Talk ‘N Text team owner Manny V. Pangilinan bilang pangulo. Ang PLDT top official ay may share naman sa Air21.