10 foreign team, magpapahirap sa Pinoy riders
MANILA, Philippines - Sampung foreign teams na kinabibilangan ng mga siklistang lumahok na sa mga Union Cycliste Internationale (UCI) races ang inaasahang magpapahirap sa mga Filipino riders sa 2011 Le Tour de Filipinas na pakakawalan sa Abril 16-19.
Sinabi ni Bert Lina, ang dating PhilCycling president at overall chairman ng Le Tour, na dapat humanap ng solusyon ang mga homegrown talents para makaporma sa naturang karera na isa lamang sa dalawang UCI-santioned races sa Southeast Asia bukod sa Le Tour de Langkawi sa Malaysia.
Ang local challenge ay magmumula sa Smart, 7-Eleven, American Vinyl, Wow Videoke, Roadbike Philippines at Air21 teams.
Paparada naman ang Team DCM ng South Africa maliban pa sa Giant Kenda ng Malaysia, CNN Colosi ng the Netherlands, Iran’s Suren Cycling, OCBC ng Singapore, Bridgestone (Japan), Snow Leopard (Mongolia), Azad University (Iran) at Malaysia’s Terenganu Team at Le Tua Cycling.
Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si Lina, ang Air21 chairman na bumuhay sa Philippine Tour noong 2002,sa kakayahan ng mga Filipino cyclists.
“Our riders are highly motivated and will not be intimidated,’’ wika ni Lina.
Idedepensa ni David McCann ang kanyang titulo para sa koponan ng Giant Kenda ng Malaysia.
Ang 2011 Le Tour ay inihahandog ng Kia Motor, Smart, Air21 at ng Lucio Tan Group of Companies sa pamumuno ng Tanduay bilang partner. Ang iba pang sponsors ay ang Maynilad, Sign Media at Canondale-Mavic.
- Latest
- Trending