Bolos, Gadi pasok sa PBaRS semifinals
MANILA, Philippines - Inangkin ng pambato ng Team PPJ/Victor-PCOME na si Danica Bolos ang unang semifinals seat nang talunin si national team member Anna Patricia Barredo, 21-15, 15-21, 21-16, sa Open women’s singles ng P1 million Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament kahapon sa Powersmash sa Makati City.
Binigo naman ni Antonino Gadi ng Golden Shuttle Foundation si Phl team mainstay Kevin Dalisay, 21-11, 21-11, sa lower bracket ng men’s side sa premier division ng three-category ranking tournament.
Uminit ang labanan sa nasabing eight-day event na itinaguyod ng MVP Sports Foundation-Goal Pilipinas!, Bingo Bonanza Corp. at Victor nang itakda nina Gelita Castilo at Nikki Therese Servando ang kanilang semis showdown sa lower half ng Open draw.
Sa semis at finals ng Open, ang U-19 at U-15 (singles, men’s at ladies doubles at mixed doubles) ay idaraos sa Ynares Sports Arena sa Pasig City, ayon kay tournament chairman Nelson Asuncion.
Sinibak ni Castilo ng Li-Ning/PNP si Marilou Romero of Victor, 21-11, 21-7, habang tinalo ni Servando ng Victor-PCOME si Cassandra Grace Lim, 21-16, 21-8.
Si Bolos, umiskor ng isang three-setter kay Michal Duquilla, 21-18, 11-21, 21-15, sa Last 16, ay makakatagpo si Ma. Bianca Carlos sa semis matapos payukurin si Alizandra Candelario, 21-11, 21-10.
Giniba naman ni Patrick Natividad ng GSF si Phl team member Gabriel Villanueva, 26-24, 21-15, para sa isang semis slot sa upper draw ng Open sa torneong suportado ng PLDT-Smart Foundation, Victor PCOME Industrial Sales, Gatorade at Powersmash katuwang ang The Philippine STAR, TV5, Badminton Extreme Philippines Magazine, Jam 88.3, Wave 89.1, Magic 89.9, 99.5 RT at 103.5 WOW! bilang media partners.
- Latest
- Trending