Racela tiwala sa kanyang mga manlalaro sa FIBA Asia U-16 C'ships
MANILA, Philippines - Tiwala ang bagitong national coach na si Olsen Racela na nasa kanya ang manlalaro na maaaring magresulta sa tagumpay sa FIBA Asia Under 16 Championship sa Vietnam mula Oktubre 18 hanggang 28.
Umabot sa 20 ang mga edad 15-anyos pababa ang bumubuo sa pool na nakuha matapos suriin hindi lamang ni Racela kundi pati ng isang selection committee na binuo ng mga matitinik na juniors coaches ang mga nagsidalo sa isinagawang tryouts.
Ang mga manlalarong bubuo sa Energen Pilipinas U23 team at sasandalan na tapatan o higitan ang ikaapat na pagtatapos na ginawa noong 2009 ng Nokia U-16 ni coach Eric Altamirano ay sina Gideon Ira Babilonia, Joshua Dave Aguilon, Rodolfo Alejandro III,Renzar Henry Asilum, Janhubert Angelo Cani, Joshua Andrei Caracut, Adven Jess Diputado, John Jose Domingo, Michael Jay Javelosa, Kyles Jefferson Lao, Izak Kiefer Lim, Peter Amiel Murphy, Daryl Louie Pascual, Tomas Gabriel Ramos, Rashleigh Paolo Rivero, Henri Lorenzo Subido, Arvin Dave Tolentino, Ranbill Angelo Tongco, Christopher Angelo Vito at Isaac Go.
“Ito na ang team natin. Maaari pa kaming magpasok ng Fil-foreigners kung siya ay 6’7 o 6’8 pero kung wala, ito na ang grupo,” wika ni Racela na kareretiro lamang sa paglalaro sa PBA.
Nabuo lamang ang pool noong nakaraang linggo at sila ay isinabak sa exhibition game laban sa dating koponan ng U16 at U18 kahapon sa The Arena sa San Juan. Gaya ng dapat asahan, natalo ang batang koponan, 68-88.
“Ito pa lamang ang first game nila at makikita mo na kinakabahan pa. This team is a working progress at naniniwala akong nasa team na ito ang pinakamahuhusay na manlalaro at makakasunod sa sistemang gagawin namin,” dagdag pa ni Racela.
Para mahasa, ang koponan ay tutulak sa Indiana, USA sa Abril 9 para sa 10-day skills and conditioning camp sa ilalim ni Ed Schilling.
Matapos ito ay isasalang sila sa mga kompetisyon tulad ng Fil-Oil Flying V Summer Tournament bukod pa sa pagdayo para sa pocket tournaments.
- Latest
- Trending