Gems, Cultivators maghihiwalay para makasalo sa liderato
MANILA, Philippines - Magkakasukatan ngayon ang dalawang walang talong koponan na Cebuana Lhuillier at FCA habang bumangon mula sa huling kabiguan ang hanap ng NLEX sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa The Arena sa San Juan City.
Ang Gems at Cultivators ay magpapang-abot dakong alas-4 ng hapon at ang mananalo ay makakasalo sa Cobra Energy Drink na nangunguna sa Group B sa 2-0 baraha.
Walang itulak-kabigin sa dalawang koponang ito dahil parehong may mga mahuhusay na beterano bukod pa sa katotohanang mataas ang kumpiyansa na haharapin ang sagupaan dahil sa nakuhang magagandang panalo sa unang laro.
Dinurog ng tropa ni coach Luigi Trillo ang Cafe France, 83-62, habang hiniritan naman ng 89-74 panalo ng bataan ni coach Arsenio Dysangco ang Junior Powerade.
“They are playing at a very high level so we have to control them,” wika ni Trillo na sasandal kina Marvin Hayes, James Sena, Benedict Fernandez at Allein Maliksi upang mapangatawanan ang pagiging isa sa paborito sa liga.
Maibangon naman ang dangal matapos matalo sa ikalawang asignatura sa ligang nilahukan ng 13 koponan ang nais ng Road Warriors sa pagharap sa RnW Pacific Pipes sa ganap na alas-2 ng hapon.
Naunsiyami ang hangarin ng bataan ni coach Boyet Fernandez na manatiling malinis ang karta sa Group A nang lasapin ang masakit na 74-79 kabiguan sa kamay ng Pharex na may 2-0 baraha sa grupo.
Sa kabilang banda, mula naman sa nakakapanghinayang na 69-72 pagkatalo ang Pacific Pipes sa Black Water kaya’t tiyak na buhos din ang ipakikitang laro ng tropa ni coach Topex Robinson.
- Latest
- Trending