MANILA, Philippines - Ang Top Rank Promotions pa rin ni Bob Arum ang mamamahala sa susunod na laban ni world bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
Ito ay matapos ang pahayag kahapon ni mediator/retired judge Daniel Weinstein na ang Top Rank pa rin ni Arum ang tatayong promoter ng 28-anyos na si Donaire sa kabila ng pagpirma nito sa isang four-year exclusive contract sa Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya.
Si Donaire, ang bagong World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight ruler, ay may kontrata pa sa Top Rank hanggang sa susunod na taon dahil sa opsyon na one-year entension bilang promoter.
“We are pleased with Judge Weinstein’s carefully considered decision. Top Rank hopes it can put the lawyers and legal fight behind it and return to doing what it does best--promoting the most talented boxers and the most entertaining boxing matches in the world today,” sabi ni Daniel Petrocelli ng O’Melveny & Myers LLP sa Los Angeles, ang legal counsel ng Top Rank.
Si Weinstein ang naging mediator rin sa naging agawan nina Arum at Dela Hoya kay Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Nauna nang sinabi ni Donaire, tinalo ang dating kampeong si Fernando Montiel via second-TKO para agawin sa Mexican ang mga suot nitong WBC at WBO bantamweight titles noong Pebrero 19, na nilabag ng Top Rank ang kanilang kasunduan kung saan tatlong beses sa isang taon dapat siya lumaban.
Pitong laban lamang ang naibigay ng Top Rank kay Donaire, ang pinakahuli ay ang panalo nito kay Montiel sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi naman ng 79-anyos na si Arum na hindi niya naikuha ng laban ang tubong Talibon, Bohol dahilan sa mga hand injuries nito na naging daan sa kanyang six-month at four-month suspensions ng boxing regulators.