Phl Azkals dumating na sa bansa; Asian qualifiers paghahandaan

MANILA, Philippines - Mula sa matagumpay nilang kampanya sa group stage ng katatapos na 2011 Asian Football Confederation (AFC) Challenge Cup sa Rangoon, Myanmar, bumalik na sa bansa kahapon ang Philippine Azkals.

Lumapag ang sinakyang Philippine Airlines flight PR 733 ng Azkals sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 ganap na alas-3:50 ng madaling-araw mula sa connecting flight sa Bangkok, Thailand.

Nakapasok sa tournament proper ng AFC Challenge Cup ang Azkals para sa su­sunod na taon matapos talunin ang Bengal Tigers ng Bangladesh, 3-0, noong Biyernes sa Rangoon, Myanmar.

Sina Filipino-Spanish Angel Aldeguer Guirado at Ian Araneta ang naglusot ng naturang tatlong goals ng Azkals kontra Bengal Tigers para makasama ang Palestine Fighters sa eight-team tournament proper ng torneo.

Nakasikwat ang mga Filipino booters ng kabuuang 5 points mula sa kanilang 1-1 draw sa White Angels ng Myanmar noong nakaraang Lunes, 0-0 scoreless draw sa Fighters ng Palestine noong Miyerkules at 3-0 panalo sa Bengal Tigers ng Bangladesh noong Biyernes.

Ang iba pang quarterfinalists sa Group B ay ang India at Turkmenistan, habang nasa Group C ang Maldives at Tajikistan at nasa Group D ang 2010 AFC Challenge Cup champions North Korea, Nepal, Sri Lanka at ang mananaig sa playoff match ng Cambodia at Macau.

“Masaya kasi may chance na tayo na maka-qualify sa next round ng Challenge Cup next year,” sambit ni co-team captain Emilio “Chieffy” Caligdong.

Mula sa naturang tagumpay, nangako si team manager Dan Palami na magbibigay ng tig-$1,000 sa lahat ng miyembro ng Azkals.

Matapos ang group stage ng Challenge Cup, paghahandaan naman ng Azkals ni German coach Michael Weiss ang darating na Asian qualifiers para sa 2014 FIFA World Cup. Ang first round ng Asian qualifier home-and-away series ay nakatakda sa Hunyo 29 at Hulyo 3. 

Show comments