Gier bumalik na sa England dahil sa kalagayan ng asawa
RANGOON--Hindi makakalaro si defender Rob Gier sa do-or-die match ng Philippine Azkals kontra Bangladesh.
Umuwi si Gier sa England kahapon kasama ang kanyang asawang si Emma na nakakaranas ng kahirapan sa kanyang pagbubuntis.
Dumating ang 30-anyos na si Gier sa Myanmar noong Linggo para tulungan ang Azkals at sinabing maaari lamang siyang magtagal sa dalawang laro ng Azkals kontra Myanmar noong Lunes at Palestine noong Miyerkules.
Ilang Azkals ang kumumbinse kay Gier na tapusin na ang group stage kontra Bangladesh.
“But I can’t. It wasn’t an easy decision because I had to choose. Is it the team or my wife?” wika ni Gier bago umalis ng hotel patungong airport. “I would have loved to stay. But my wife needs me.”
Pinuri naman ni team captain Aly Borromeo ang Fil-Briton na nagpilit makatulong sa Azkals sa kabila ng paghihirap ng kanyang asawa sa pagbubuntis.
“He’s one of the most experienced players in the team and it’s always good to have him out there. I tried to convince him to stay but it was understandable,” wika ni Borromeo kay Gier.
Pipili naman si German coach Michael Weiss kung sino ang papalit sa naiwang posisyon ni Gier laban sa Bangladesh.
- Latest
- Trending