MANILA, Philippines - Bagamat nasa panganib ay tumuloy pa rin sa kanilang biyahe patungong Ulan Bator, Mongolia ang Azkals mula sa kanilang training camp sa Gotemba, Japan kahapon ng umaga.
Ang evening flight sa Ulan Bator via Beijing, China ang siyang pilit na hinabol ng Azkals.
Habang sinusulat ito ay kasalukuyang nasa Narita International Airport, ang koponan matapos sumakay ng bullet train galing sa Gotemba bandang alas-9 ng umaga.
Umaasa rin ang Azkals na muling makakasama sina teammates Simon Greatwich at Jason Sabio na ang mga biyahe mula sa United States ay iniba.
Kamakalawa ay tinamaan ng malakas na lindol at tsunami ang northeastern coast ng Japan.
Natatakot ang mga team officials na kung hindi nakaalis ang Azkals sa Gotemba patungong Tokyo sa pamamagitan ng bus at bibiyahe sa bilis na 170 km ay hindi na sila makakaalis.
Halos hindi gumalaw ang trapiko sa Tokyo bunga ng naturang trahedya.
Hindi rin mapakali sina Philippine Football Federation president Nonong Araneta at Azkals team manager Dan Palami na nasa Maynila.
Naisip nilang ipagpaliban ang laro ng Azkals at Blue Wolves ng Mongolia na nakatakda sa Marso 15 sa Ulan Bator.
Tiniyak naman ng Azkals sa kanilang mga supporters via Twitter na ligtas ang kanilang sitwasyon.