Orcollo babandera sa Pinas Sa PHL Open Pool
MANILA, Philippines - Dadalhin ni Dennis Orcollo ang bangis ng paglalaro sa bansa sa paglahok nito sa Philippine Open 10-Ball Pool Championships na gagawin sa SM Megamall mula Abril 7 hanggang 11.
Ang kompetisyon ay katatampukan ng pinakamahuhusay na kalalakihan at kababaihang cue artist ng mundo na maglalaban-laban para sa $170,000 kabuuang premyo na inilatag sa torneo.
Si Orcollo ay sariwa pa sa pagkapanalo Derby City Classic 9-Ball division at sa World 8-Ball Championships na ginawa sa US at Fujairah, United Arab Emirates.
Ang huling titulo na ito ni Orcollo ang nagselyo sa kanya bilang isa sa pinakamahusay na pool player ng mundo.
Makakasalamuha niya sa kompetisyon ang mga tinitingalang sina dating world champion Ralf Souquet, Darrent Appleton at ang nagdedepensang Philippine Open champion Ricky Yang ng Indonesia na nagpasabi na maglalaro sa torneo.
Ang number one at two sa kababaihan na sina Ga Young Kim ng Korea at Allison Fisher ng Great Britian naman ang mangunguna sa hanay ng mga kababaihan.
Ang magkakampeon sa kalalakihan ay magbibitbit ng $30,000 habang $20,000 naman ang pabuyang makakamit ng magdodomina sa kababaihan.
Aabot sa 64 manlalaro ang papasok sa main draw sa men’s division habang 32 naman ang bilang sa kababaihan na sasailalim sa double-elimination round at ang apat na lalabas na manlalaro ay maglalaban naman sa crossover semifinals.
Ang dalawang matitirang manlalaro ang magtatagisan sa kampeonato.
Makukumpleto ang talaan ng mga kalahok base sa world rankings o gamit ang rekomendasyon ng mga continental federations na kasapi ng World Pool Associations.
Bukod ito sa mga qualifying events na ilalarga sa bansa isang linggo bago ang aktuwal na kompetisyon.
- Latest
- Trending