Julaton napanatili ang WBO title
MANILA, Philippines – Bumawi si Ana Julaton sa di magandang ipinakita sa huling laban nang dominahin niya ang mas malaking si Franchesca Alcanter tungo sa unanimous decision panalo at mapanatili ang World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title kahapon sa Craneway Pavilion Point Richmond sa California.
Ang 30-anyos na si Julaton na nagsanay sa laban halos tatlong linggo lamang ay pinahirapan si Alcanter gamit ang kanyang left jabs at panaka-nakang right straight para kunin ang 98-92, 97-93 at 96-94 iskors sa tatlong hurado matapos ang 10 rounds.
Sa ikaanim na rounds lamang nakaporma si Alcanter, tinaguriang “The Chosen One” nang nakatama ito ng mga malalakas na suntok na tila yumanig kay Julaton.
Pero gaya ng taguri sa kanya bilang “The Hurricane”, mas malakas ang balik ni Julaton sa sumunod na apat na rounds nang ipatikim uli ang mga malulutong na suntok sa kalaban.
Matapos ang sagupaan ay duguan sa ilong at maga ang mukha ni Alcanter na nalasap din ang ikatlong kabiguan kapag lumalaban sa isang title fight.
Bago ito ay nagtangka muna ang 37-anyos na tubong Kansas City na agawin ang mga kampeonato sa WBC/WIBF super featherweight at featherweight division pero natalo siya kina Jelana Mrdjenovice (dalawang beses) at Ina Menzer.
Ang kabiguan ay naglaglag sa karta ni Alcanter sa 18-10 sa 32 sagupaan.
Ikawalong panalo sa 11 laban naman ang nailista ni Julaton na tinulungan sa pagsasanay ng batikang trainer na si Freddie Roach at dating WBC light flyweight champion Rodel Mayol bilang kanyang sparmate.
Hindi naman nakarating sa laban si Angelo Reyes ang siyang nagpa-iral sa game plan na inilatag ni Roach sa laban.
Ito ang unang depensa ni Julaton sa titulong inagaw kay Maria Elena Villalobos na ginanap noong Hunyo 30 na kung saan marami ang nadismaya nang mailusot lamang ng Fil-Am ang panalo sa pamamagitan ng split decision.
Ngunit hindi nagpabaya sa labang ito si Julaton para sa kumbinsidong tagumpay.
Ngayong naigupo niya ang hamon ni Alcanter, tinitingnan ng kampo ni Julaton ang isang title defense o unification fight na posibleng gawin sa Pilipinas.
Inaasahang magkakaroon ng negosasyon ang kampo ni Julaton at ibang sponsors mula sa Pilipinas sa pangunguna ng TV5 na siyang nagsa-ere ng nasabing laban sa bansa kasama ang Aksyon TV41.
- Latest
- Trending