Bakbakang Julaton, Alcanter ngayon na
MANILA, Philippines - Maalpasan ang maikokonsidera bilang matinding hamon sa boxing career ang pakay ni Ana Julaton ngayon sa pagtaya niya sa hawak na World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title laban sa mas malaking si Franchesca Alcanter sa Craneway Pavilion Point Richmond sa California.
Idedepensa ng 30-anyos na si Julaton ang titulong napanalunan noong Hulyo, 2010 laban kay Maria Elena Villalobos sa pamamagitan ng split decision sa unang pagkakataon at hindi magiging madali ang tangkang ito dahil beterano ang 37-anyos na katunggali.
Tinaguriang “The Chosen One” si Alcanter ay magtatangka na makahawak ng lehitimong titulo sa unang pagkakataon bagamat hindi naman ito unang title fight niya sa kanyang career na kinapalooban ng 31 fights at 18 panalo kasama ang 9 knockouts.
May naunang tatlong title fights na hinarap si Alcanter at dalawa rito ay laban kay Jelena Mrdjenovich noong 2005 at 2006 para sa WBC at WIBF super featherweight titles na kung saan natalo siya sa pamamagitan ng 6th round at 5th round KO, ayon sa pagkakasunod.
Huling salang nito sa title fight ay noong Mayo 2, 2009 kontra kay Ina menzer para sa WBC at WIBF featherweight at sa unanimous decision kabiguan nauwi ang nasabing laban.
Nagpahinga si Alcanter mula rito at ngayon lamang sasalang uli sa laban pero tiniyak niyang handa niyang hiyain si Julaton sa kanyang pagbabalik laban sa California.
Kailangan umano niyang manalo sa pamamagitan ng KO dahil sa pangambang papaboran si Julaton ng mga hurado dahil taga-California ito.
Wala naman naging problema sa timbang ng dalawa dahil sobrang baba ang kanilang timbang nang si Julaton ay pumasok sa 116.5 pounds habang nasa 118 pounds si Alcanter para sa 122 pound limit. Ang nasabing laban ay mapapanood naman ng mga Filipino boxing fans dahil isasaere ito ng TV5 at Aksyon TV41 mula alas-12 ng tanghali. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending