MANILA, Philippines - Naipagpatuloy ni Alex “The Lion” Pagulayan ang mainit na paglalaro sa bilyar nang kunin nito ang kampeonato sa 18th Annual US Bar Table Championship 10-ball men’s division na natapos kahapon sa Terrible’s Sands Regency Hotel and Casino sa Reno Nevada.
Nasukat sa finals laban kay John Morra, nagamit ng 32-anyos na si Pagulayan ang pagkakaroon ng twice-to-beat bentahe sa finals at inilabas ang pinakamabangis na porma sa ikalawang tagisan tungo sa 7-0 dominasyon para makumpleto ang mabungang kampanya sa torneo.
Ang tagumpay ay pambawi ni Pagulayan matapos unang hiyain ni Morra sa 7-5 panalo sa unang tagisan.
Pero minalas si Morra sa ikalawang game nang kakitaan siya ng mga unforced errors. Karamihan dito ay sa safety shots at may isang scratch din sa fifth rack at lahat ng pagkakamali ay kinapitalisa agad ni Pagulayan tungo sa dominanteng pagtatapos sa race to seven, alternate format na finals.
“Now you guys saw the Lion,” wika ni Pagulayan matapos ang panalo.
Nagkaroon ng bentahe sa finals si Pagulayan nang pumasok siya sa hot seat mula sa winner’s bracket matapos pataubin si Louis Ulrich, 7-4.
Bago ito ay nanalo muna si Pagulayan kina Shawn Roy, 7-1; Walter Glass, 7-3; Leron Nevel, 7-6; Josh O’Neal, 7-4; at Stan Tourangeau, 7-6.
Nakamit naman ni Morra ang karapatang hamunin si Pagulayan nang talunin si Ulrich, 7-4.
Malamig si Pagulayan sa unang race to seven at nakitaan ito ng dalawang scratch na napanalunan ni Morra para makahirit ng do-or-die game two.
Pero nakuha ni Pagulayan ang pormang ipinakita sa unang yugto ng labanan at inagaw agad nito ang momentum sa second game nang manalo sa first rack kahit si Morra ang sumargo.
Sa halip na maging aktibo ay nakontento si Morra na mag-safety sa two-ball. Pero napalakas ito at nagkaroon ng butas para masapul at mapasok ni Pagulayan.
Ang panalo ay nagkahalaga ng $4,400 para kay Pagulayan na nailista ang ikatlong panalo sa walong torneong nilahukan.