MANILA, Philippines - Naniniwala man na puwedeng masaktan ni Shane Mosley si Manny Pacquiao, kumakampi pa rin si Sergio Mora sa Pambansang Kamao na mananalo ito sa title fight ng dalawa na gagawin sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Si Mora na dating kampeon ng WBC light middleweight division at huling nakalaban ni Mosley sa ring na naganap noong Setyembre 18, 2010. Ang sagupaan ay nauwi sa tabla.
Aminado si Mora na kahit may edad si Mosley ay may respetadong lakas at bilis pa ito na maaaring magpahirap sa kasalukuyang pound for pound champion na si Pacquiao.
“I think Mosley is going to be able to do well. I think he hurts Pacquiao in the third and fourth round,” wika nito.
Ngunit makakaya ni Pacquiao ang mga ibibigay na suntok ni Mosley, pagtitiyak nito.
“I didn’t say Mosley would win. I don’t think it will go the distance,” dagdag pa ng 30-anyos na US boxer.
Ang nakitang dominasyon ni Pacquiao kay Antonio Margarito ang siya niyang ikinokonsidera na malaking bagay kung bakit mangingibabaw si Pacman na idedepensa ang hawak na WBO welterweight title.
Naka-spar na ni Mora si Margarito at nakita niya ang tibay nito at kung paano ito magsanay para sa isang laban.
Kaya nga nagulat siya sa sinapit kay Pacquiao sa kanilang laban upang makamit ng pambato ng bansa at kasalukuyang Kongresista ng Sarangani Province, ang kanyang ikawalong world title sa WBC light middleweight division.