Huey kampeon sa doubles sa Morocco netfest
MANILA, Philippines - Nagkaroon ng magandang pabaon si Treat Conrad Huey sa sarili bago sumama sa Philippine Davis Cup team na lalaban sa Japan sa Asia Oceania Zone Group I Davis Cup opening tie sa Plantation Bay Resort sa Lapu Lapu City, Cebu.
Nakipagtambalan kay Simone Vagnozzi ng Italy, sila ni Huey ay nagkampeon sa idinaos na ATP Challenger doubles event sa Meknes, Morocco para makadagdag sa kumpiyansa nito patungo sa mahalagang tie na itinakda mula Marso 4 hanggang 6.
Itinalaga bilang top seeds sa kompetisyon sina Huey at Vagnozzi at nakalusot laban sa second seeds na sina Alessio Di Mauro at Alessandro Motti ng Italy sa Finals gamit ang 6-1, 6-2, tagumpay kahapon.
Ang Finals ay dapat nilaro noong Linggo pero ipinagpaliban dala ng pagbuhos ng malakas na ulan.
Tatlong laro ang hinarap ng nagkampeong tambalan para maabot ang Finals at una kinalos nina Huey at Vagnozzi sina Anas Fattar at Yassine Idmbarek ng Morocco sa round of 16, 6-1, 6-0, bago isinunod sina Lamine Ouahab ng Algeria at Leonardo Tavares ng Portugal sa mahigpitang 3-6, 6-2, 10-8, tagumpay.
Sinagupa ng dalawa sa semifinals ang mga Italyanong sina Walter Trusendi at Matteo Viola na kanilang pinataob sa 6-3, 6-3, straight sets panalo bago tinapos ang pagdodomina sa bisa ng straight sets panalo sa Finals.
Unang kampeonato ito ni Huey sa apat na torneo sa taong ito at unang pagkakataon na nagtambal sila ni Vagnozzi sa 2011.
Si Huey ay umalis ng Morocco kahapon at inaasahang nasa Cebu ngayon para makasama sina Fil-Am Cecil Mamiit, Johnny Arcilla at Elbert Anasta para makapagsanay sa bagong tennis court sa Plantation Bay.
- Latest
- Trending