PBL 'di nababahala sa D-League
MANILA, Philippines - Hindi nababahala ang pamunuan ng nagbabalik na Philippine Basketball League (PBL) sa pagsibol ng D-League na hawak ng Philippine Basketball Association (PBA).
“We don’t see it as a conflict but we welcome the birth of the D-League since it will provide more opportunity for our youth to play basketball. The more tournaments the better,” wika ni Nolan Bernardino, ang iniupong PBL commissioner nang dumalo sa PSA Forum kahapon.
Nakasama sina PBL chairman Ding Camua at Pharex team manager Jean Alabanza sa forum, binanggit ni Bernardino na nagkaroon na ng ugnayan ang liga at ang D-League para maayos na umusad ang kanilang mga liga.
Naniniwala rin siya na aani pa rin ng atensyon ang nagbabalik na liga dahil bagong mukha at balansiyadong kompetisyon sa mga koponang lalahok ang kanilang maipapangako sa mga panatiko ng PBL.
“I’m aware of the rich PBL history and it’s a matter of producing good and exciting games which have been the product of th eleague ever since,” pahayag pa nito.
Limang koponan na binubuo ng Pharex, ANI-FCA, Excelroof, Cobra Energy Drink at bagitong CafeFrance ang maglalaban laban sa liga na napahinga sa loob ng isang taon. May kinakausap pang isang koponan ang pamunuan pero anuman ang mangyari ay tiyak na ang pagbubukas ng liga sa Marso 12 na maaring gawin sa Ninoy Aquino Stadium.
Bukod sa mga bagong mukha mula sa UAAP at NCAA ay may mga Fil-Ams din ang magpapakitang-gilas sa nalalapit na conference.
- Latest
- Trending