Atletang mapapasama sa SEAG sasalaing mabuti

MANILA, Philippines - Dadaan sa masusing pagsasala ang Pambansang atleta bago mabigyan ng karapatang mapasama sa national team na lalaban sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.

Ayon kay POC president Jose Cojuangco Jr. hi­hingiin na nila sa mga National Sports Associations (NSAs) ang talaan ng atleta na sa kanilang palagay ay maaaring masandalan ng bansa para makapagbigay ng medalya sa SEA Games na lalaruin sa Jakarta at Palembang, Indonesia.

Kapag napili na at sinang-ayunan ng POC at PSC, ang mga atletang ito ay isasalang sa matinding pagsasanay na tuwina ay bibisitahin ng mga monitoring officers para makita kung nag-iibayo ba ang kanilang paghahanda.

Si PSC commissioner Chito Loyzaga at Canoe-Kayak president Dr. Sim Chi Tat ang itinalaga bilang co-Chief of Mission habang ang iba pang kasapi ng technical committee ay sina POC vice president Manny Lopez, swimming chief Mark Joseph, soft tennis president Jeff Tamayo at PSC commissioner Akiko Thomson-Guevarra.

Show comments