Salamat, Abueva magpapakinang sa pagbabalik aksyon ng PBL
MANILA, Philippines - Dalawang mahuhusay na collegiate stars ang magtatangkang bigyan ng kinang ang pagbabalik ng Philippine Basketball League sa Marso 5.
Sina Eric Salamat at Calvin Abueva ang ilan sa mga manlalarong sasabak sa aksyon sa PBL na halos napahinga ng isang taon.
Unang kaganapan na ginawa ng PBL ay ang pagnombra kay Nolan Bernardino bilang tournament commissioner at ang drafting ng manlalaro nitong Martes sa Manila Hotel at sina Salamat at Abueva ay parehong kinuha ng bagong koponan na CafeFrance.
Pag-aari nina Dr. Johnny Yap at Dr. Ricardo de Leon, hinila rin ng koponan si Vic Manuel na isa sa mga dating sinasandalan ng Pharex para magkaroon na ng tibay ang kanilang binubuong koponan.
Si Salamat ay kabilang sa Grandslam team ng Ateneo at ang karanasan at winning attitude ay tiyak na makakatulong sa bagong koponan.
Sasandalan naman ang 6’3 na si Abueva sa kanyang lakas sa ilalim upang may makatuwang si Manuel.
Ang iba pang manlalaro sa koponang itinalaga rin si Jefferson Plaza bilang board representative ay magmumula sa Centro Escolar University.
Ang iba pang koponan na lumahok sa drafting ay ang Excelroof, Pharex, Cobra Energy Drink at Ani-FCA.
Mga manlalaro ng Adamson o Mapua ang bubuo sa Excelroof habang ang Pharex ay hinugot ang 6’5” Fil-Am na si Jason Bryan Deutchman at 6’4” Jumbo Escueta ng Ateneo.
Sina FEU players Paul Sanga at Reil Cervantes ay kinuha ng Cobra.
- Latest
- Trending