MANILA, Philippines - “Wish Ko Lang” para kay Manny Pacquiao.
Pipilitin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na matupad ang pangarap ng Filipino world eight-division champion na makaharap si United States President Barack Obama.
Ito ay posibleng mangyari sa Pebrero 15 sa Washington, D.C. na siyang final stop ng four-venue tour promotion ng banggaan nina Pacquiao at Sugar Shane Mosley na nakatakda sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
“The President obviously has a lot of things on his plate, so what we’re definitely planning is a meeting in Senator Reid’s office, and then, Senator Reid is going to take Manny to the floor of the senate,” ani Arum.
Si Pacquiao ang sinasabing nakatulong kay Harry Reid, matalik na kaibigan ni Arum, ng Nevada para masikwat ang isang Senatorial seat noong Oktubre ng 2010.
“And then we’ll have the press conference in Washington, D.C., we’re going to have hosted by the Nevada Congressional delegation. That’s all going to happen on Feb. 15,” sabi ni Arum.
Noong Disyembre 2009, kinilala si Pacquiao sa Time Magazine’s Top 25 People Who Mattered in 2009 sa ilalim ni Pesident Obama.
Nakatakdang itaya ng 32-anyos na si Pacquiao, may 52-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 knockouts, ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight title laban sa 39-anyos na si Mosley (46-6-1, 39 KOs).
Magsisimula ang press tour para sa Pacquiao-Mosley fight sa Pebrero 10 sa Los Angeles kasunod sa Las Vegas sa Pebrero 12, sa New York sa Pebrero 14 at sa Washington, D.C. sa Pebrero 15.