Reyes, Campo iluluklok sa Hall of Fame ng PSA

MANILA, Philippines -  Isang ‘living legend’ sa billiards at isang pumanaw nang dating international chess federation ang iluluklok sa Hall of Fame ng Ph­ilippine Sportswriters Association (PSA).

Sina billiards icon Efren ‘Bata’ Reyes at dating Inter­national Chess Federation (FIDE) president Florencio Campomanes ang para­rangalan sa PSA-Coca Co­la Awards Night na nakatakda sa Marso 5 sa Ma­nila Hotel.

Si Reyes ang unang naging double world champion (world 9-ball at world 8-ball) at kinilala bilang `The Magician’.

Ang 56-anyos na cue artist ay dalawang beses na naging PSA Athlete of the Year noong 1999 at 2001 at naging unang Asian na nailuklok sa Billiard Congress of America’s Hall of Fame noong 2003.

Si Campomanes naman ang nagpasigla sa Phi­lippine chess.

Si ‘Campo’ ay naging national master at two-time national champion at tumayong team captain ng Philippine team sa 1966 Havana World Chess Championship.

Isang 2006 Lifetime Achievement awardee ng PSA, si Campomanes ay pumanaw noong Mayo 3 mula sa sakit na prostate cancer. Siya ay 83-anyos.

Sina Reyes at Campomanes ay ilan lamang sa mga piling sports personalities na gagawaran ng para­ngal ng pinakamatandang media organization sa PSA Awards Night na suportado ng Accel, Harbour Centre at ng Philippine Sports Commission (PSC).

Sina 16th Asian Games gold medal winners Biboy Rivera, Dennis Orcollo at Rey Saludar kasama si Francisco `Django’ Bustamante, ang World 9-Ball champion, ang tinanghal na 2010 PSA Athletes of the Year.

Si boxing superstar at five-time Athlete of the Year Manny Pacquiao ang pinakahuling sports figure na itinaas sa PSA Hall of Fame.

Show comments