Reyes, Campo iluluklok sa Hall of Fame ng PSA
MANILA, Philippines - Isang ‘living legend’ sa billiards at isang pumanaw nang dating international chess federation ang iluluklok sa Hall of Fame ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Sina billiards icon Efren ‘Bata’ Reyes at dating International Chess Federation (FIDE) president Florencio Campomanes ang pararangalan sa PSA-Coca Cola Awards Night na nakatakda sa Marso 5 sa Manila Hotel.
Si Reyes ang unang naging double world champion (world 9-ball at world 8-ball) at kinilala bilang `The Magician’.
Ang 56-anyos na cue artist ay dalawang beses na naging PSA Athlete of the Year noong 1999 at 2001 at naging unang Asian na nailuklok sa Billiard Congress of America’s Hall of Fame noong 2003.
Si Campomanes naman ang nagpasigla sa Philippine chess.
Si ‘Campo’ ay naging national master at two-time national champion at tumayong team captain ng Philippine team sa 1966 Havana World Chess Championship.
Isang 2006 Lifetime Achievement awardee ng PSA, si Campomanes ay pumanaw noong Mayo 3 mula sa sakit na prostate cancer. Siya ay 83-anyos.
Sina Reyes at Campomanes ay ilan lamang sa mga piling sports personalities na gagawaran ng parangal ng pinakamatandang media organization sa PSA Awards Night na suportado ng Accel, Harbour Centre at ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sina 16th Asian Games gold medal winners Biboy Rivera, Dennis Orcollo at Rey Saludar kasama si Francisco `Django’ Bustamante, ang World 9-Ball champion, ang tinanghal na 2010 PSA Athletes of the Year.
Si boxing superstar at five-time Athlete of the Year Manny Pacquiao ang pinakahuling sports figure na itinaas sa PSA Hall of Fame.
- Latest
- Trending


















